Marcelo: Tindahan ni Aling Nena


     Sa kantang “Tindahan ni Aling Nena” ng Eraserheads, maririnig ang trahedyang kinasangkutan ng may-akda sa paghabol sa nag-iisang anak na babae ni Aling Nena. Ito’y nagsimula nang inutusan ng ina ng may-akda na siya’y tumungo sa tindahan upang bumili ng suka. Tumigil ang mundo ng tagapagsalaysay nang makita niya ang dalagang nakadungaw sa bintana, na pinakilala ni Aling Nena bilang kanyang anak. Nabitawan niya ang suka at sa kanyang pag-uwi’y pinagalitan siya ng kanyang ina, ngunit sa loob niya’y masaya siya dahil napatawa niya ang anak ni Aling Nena at nahanap na raw niya ang tunay niyang mahal. Bumalik ang may-akda kinabukasan upang magmakaawa kay Aling Nena na siya’y ipakilala, at nang una’y ayaw na niyang umasa ang may-akda, sa dulo’y pumayag siya sa isang kasunduan: ang may-akda ay dapat bumili sa tindahan niya araw-araw. Nakuha ng tagapagsalaysay ang kanyang hiling na makilala ang anak na babae ni Aling Nena, ngunit nagtapos ang kanta sa pag-alis lamang nito at pagkaubos ng pera ng may-akda.


     “Pero oks lang, ako ay in-lab nang tunay.”


     Sa bahaging ito ng kanta, mapapansing matapos ang lahat ng masamang nangyari sa may-akda, mula sa pagbitaw sa suka hanggang sa pagpapagalit sa kanya ng kanyang ina, siya’y masaya pa rin sapagkat sinasabi niyang nahanap na niya ang tunay na minamahal. Ngunit, ano nga ba ang tunay na pagmamahal na sinasabi ng may-akda? Unang beses pa lamang niya nakita ang dalaga, at hindi pa sila nag-uusap. Makikitang hinusgahan ng may-akda ang babae base lamang sa pisikal na anyo nito, at walang iba pang aspeto. Napawalang-bisa nito ang Feminismo dahil ang babae ay hinusga base lamang sa kanyang itsura, at hindi ang kanyang katalinuhan at mga kakayahan bilang isang tao.


     “Payag daw siya kung araw-araw ay meron akong binibili sa tinda niya.”


    Nabanggit ng may-akda na ang nais niya sa tindahan ni Aling Nena ay hindi nabibili. Ngunit, sa bandang pangalawang korus, mapapansing sa pagmamakaawa ng may-akdang makilala ang anak na babae ni Aling Nena, ang ina mismo ang nakipagsundong ipakilala ang kanyang anak kung ang may-akda’y bibili sa kanyang paninda araw-araw.


    Sa eksenang ito, napawalang-bisa ang layunin ng Feminismo. Sa puntong ito, mapapansing hindi na ang mga paninda ni Aling Nena ang binibili ng may-akda dahil ang mga ito’y panakip-butas lamang sa tunay niyang layuning makilala ang anak ni Aline Nena. Napaliit na lamang sa isang paninda ang anak na babae ni Aline Nena dahil ang tila binibili ng lalaking may-akda ay ang pagkakataong makausap siya, at ang kanyang mga binibili upang magawa ito ay halos mga karagdagang benepisyo na lamang. Nakalulungkot isipin na kahit ang sariling ina ng babae ay pinagkakakitaan ang kanyang kagandahan sapagkat ginagamit ni Aling Nena ang pisikal na anyo ng isang babae, sa kasong ito, ang kanyang anak na babae, upang dumami ang perang makukuha. Mas napaliit pa ang kababaihan sapagkat hindi man lamang pinagsalita o hiningi ang opinyon ng anak ni Aling Nena ukol sa kasunduan ng may-akda at ni Aling Nena.


Ralph Emmanuel S. Marcelo
N2012