Simple lang itong kanta. Nakita niya ang isang magasin. Nakilala niya yung babae at naalala niya na ang mga nangyari dati. Napansin niya na bastos pala ang magasin at nagsisi dahil kulang ang pera niyang dala.
Hindi maitatangging maganda itong kanta ngunit may kaunting mga pumunto magandang sanang bigyang pansin.
Unang una, base sa kanta, makikitang pisikal ang tingin sa babae. Buong kanta ay nagbibigay pansin lamang sa pisikal na aspeto ng babaeng nasa magasain.
“Natulala ako sa iyong kagandahan.”
“Iba na ang iyong ngiti. Iba na ang iyong tungin. Iba na ang iyong lahat.”
“Di’ ko inakala na sa sisikat ka… Medyo pangit ka pa noon…”
Buong kanta ay tungkol na lamang sa pisikal na aspeto ng babae at hindi na binigyang pansin ang mga ibang katangian ng babae tulad ng kaniyang ugali, talino o abilidad. Pinapalabas din na sumisikat lang ang isang babae dahil maganda siya o pwede rin sabihin na hindi sisikat ang isang babae kung hindi siya maganda.
Lalo pa itong makikita sa relasyon na namamagitan sa lalaki at babae. Masasabing “objectified” ang babae dito. Makikita ito sa mga linyang:
“Sana'y hindi nakita… Sana'y walang problema pagka't kulang ang dala kong perang pambili sa mukha mong maganda”
“Nakita kita sa isang magasin at sa sobrang gulat hindi ko napansin bastos pala ang pamagat dalidaliang binuklat at ako'y namulat sa hubad na katotohanan”
“At sana sa susunod na isyu ay centerfold ka na”
Dito sa kanta, hindi nainis ang lalaki dahil ang dati niyang kaibigan ay nasa malaswang magasin na. Nainis siya dahil hindi niya nabili ang magasing iyon. Ninais pa nga niya na ang magasing iyon at umaasa pa siyang dumami pa ang larawan ng babae, “centerfold” pa nga. Pinapakita na binibili ang babae at ang kanilang katawan.
Ito mismo ang kulturang na sinusubukang labanan ng feminismo (kung tama pagkakaintindi ko ng feminismo -__- ) dahil nilalagay ang mga babae sa isang kultura kung saan ang halaga nila ay nasa kanilang katawan. Hindi naman kailangan maging maganda para sumikat. May mga babaeng sumisikat, hindi dahil maganda sila, pero dahil matalino o magaling sa kanilang mga gawain at hindi dapat “binibili” ang babae tulad ng nakikita sa kantang ito.
Hindi dapat tinitingnan ang babae dahil ang halaga nila ay lumalampas pa sa kanilang katawan o kung ano ang nakikita ng tao. Ang halaga nila ay nagmumula sa kanilang ginagawa at kung paano nila ginagawa. Nagmumula sa mga kabutihang ginagwa at nagagawa nila. Dapat talaga ay patuloy nating nirerespto ang mga babae… Eraserheads talaga o. Tsk. Tsk...
Jose Daniel P. Berba
N2012