Ang patalastas ay naganap sa isang
rural na lugar kung saan may mga bukid at taniman. Makikita na ang konteksto ng patalastas ay nasa mahirap na kalagayan ang mga tao. Sa simula’y ipinakita ang
mga magsasaka na nagtatrabaho sa bukid. May nakita silang mga nagbubuhat ng
mabigat na bagay kaya’t lumapit sila upang tumulong magbuhat. Sumunod naman na
tumulong ang ilang mga lalaking naglalaro ng basketbol sa sariling gawang “court”.
Pagkatapos nila, ipinakita ang mga labanderang naglalaba sa ilog. Lumapit din
sila at tumulong. Unti-unting dumami ang mga tumutulong. Kasama na dito ang mga
batang nang-aalok ng inumin, mga taong galing sa biyahe, isang sundalong
nag-ayos pa ng tsinelas ng isang lalaki, at isang matandang naka-“wheelchair”
pa. Sa bandang huli’y ipinakita na mga maliliit na bahay na pangmahihirap ang
kanilang binubuhat. Hinulog nila ang mga ito sa isang bangin at nagsaya nang
magtagumpay. Sa huli’y ipinakita ang mga salitang “Together, we can end
poverty.”
Simple lamang ang sinasabi ng
patalastas. Dapat ay magtulungan ang mga tao upang masugpuan ang problema ng
kahirapan. Noong una’y akala ko na ang mga mahihirap lamang na trabahador ang
magtutulungan. Nang panoorin ko muli ang patalastas, nakita ko ang ilang
mahahalagang elemento o tao. Ang sinasabi ng patalastas ay lahat ng tao sa
lipunan ay may papel sa paglutas ng kahirapan. Ang kabataan na nakita sa
patalastas ang sumusimbolo sa lahat ng kabataan sa bansa. Mayroon tayong maipapamahaging
tulong, kahit maliit lamang. Ang sundalo naman ay maaring simbolo ng gobyerno.
Hindi lamang ang mga mamamayan ang tutulong kahit sila lang ang nahihirapan.
Malaki pa rin ang maitutulong ng gobyerno. Kasama rin ang mga mayayaman o ang
mga maykaya, na isinisimbolo ng mga taong may kotse o galing sa biyahe sa
patalastas. Kasama pa nga ang mga may disabilidad sa maaaring tumulong.
Ito ang
nakikita ko sa patalastas gamit ang Marxistang pananaw. Magkakaisa ang lahat ng
tao mula sa lahat ng antas ng lipunan upang masolusyonan ang problema ng
kahirapan sa ating bansa. Ito ang tinutukoy ng salitang Bayanihan bilang pamagat ng patalastas. Unti-unting mawawala ang
mga burgis at mga mahihirap at magiging isa lamang ang tawag sa lahat ng tao:
kababayan.
Raul Alberto B. Arellano III
N2012
Raul Alberto B. Arellano III
N2012