Andres: Upuan


"Kayo po na naka upo, 
Subukan nyo namang tumayo, 
At baka matanaw, at baka matanaw na nyo
Ang tunay na kalagayan ko"

Pinaguusapan ng Upuan ang dibisyon ng mga mahihirap sa mga mayayaman. Isang tema na inuulit dito ay ang upuan, kung saan sinisimbulo nito kung saan nakapuwesto ang mga mayayaman, nakaupo at tinititig ang mga mahihirap sa ibaba nila. Makikita sa bidyo na habang nakaupo ang dalawang matanda (na halatang mayaman dahil sa kanilang mga damit at ikinakain) ay ipinagsisilbi ng mga kitang-kitang  mahirap na mga tao (na halata naman din sa damit nila na gusgusin).

Malaking bahay, malawak na bakuran, mahahaling sasakyan at nakabarong nang wala namang kasal. Ilan lamang ito sa mga imaheng ginamit upang mailarawan ang mga "nakaupo."

"Ang tao na nagmamay-ari ng isang upuan
Na pag may pagkakatao'y pinag-aagawan
Kaya naman hindi niya pinakakawalan"

Ang mga "nakaupo" ay inilalarawan bilang mga taong nasa taas ng lipunan at dahil sa posisyong iyon, ay ayaw ng gumalaw pa para sa iba at nakukuntentong manatiling nakaupo at ititig ang mga taong hindi nakaupo tulad nila. Halata sa imaheng ipinapalabas sa bidyo na malapad ang pagkahati at dibisyon ng dalawang aspeto ng lipunan. Kita ito sa pananamit nila, sa kinakain nila at sa kilos nila. May ekspresyon ang mga nakaupo na tila mayabang pangingiti, isang ngiting nanggagaling sa tuwa nang pagiging mas nakatataas sa mga tao. Natutuwa sila sa kanilang puwesto sa taas at hindi nila naiisip ang mga pagaaksaya na ginawaga nila basta't para lamang sa kanilang katuwaan.

Bumalik tayo sa koro ng kanta at basahin ang linyang "Subukan nyo namang tumayo at baka matanaw, at baka matanaw na nyo ang tunay na kalagayan ko." Nais maipahayag ng akda sa linyang ito na oo nga't mayaman ka na at masarap nga ang buhay mo diyan na nakaupo ngunit huwag mong kalimutan ang taong nasa paligid mo, na nagdudusa't naghihirap sa paa ng upuan.

Hindi sinasabi ng kanta na masama maging mayaman. Sa lipunan ito, tiyak talaga na may aangat at may maiiwan sa ibaba. Ang hiling lamang ng kantang ito, ang mensahe na gusto lang niya maipahayag, ay oo nga't "nakatagumpay" ka na ngunit kailangang mong alalahanin ang mga taong nasa paligid, ang mga taong "pantakal ng bigas ay di puno, ang ding-ding ng bahay ay pinagtagpi-tagping yero, na di kayang bumili na yelo pang inumin at ang tubig ay pinakulong sa lumang uling-uling."

Roberto Alphonso R. Andres
N2012