Romero - McDo "Girlfriend"


            Maraming makikitang mga katangian ukol sa relasyon ng mga babae at mga lalaki sa ating kontemporaryong panahon sa patalastas ng McDonald’s na ang tawag ay “Girlfriend”. Mayroon ding mga ilang ideya na naglalarawan sa mga modernong babae at steryotipikong mga ugali ng babae na nagamit sa paggawa ng patalastas na ito, Sa mga paggamit ng ideya at ugaling dito, ay mahihinuha nating laganap ang mga ito sa ating lipunan ngayon. Makikita ang mga ito sa konteksto ng patalastas na kung saan may dalawang batang nag-uusap sa isang palaruan. Tinanong ng babaeng bata sa kaniyang kausap na lalaking bata kung sila’y magkasintahan na. Nagulat ang binata sa sinabi ng kausap at mabilis niyang sinagot ang tanong.
“(!) Ayoko nga….”

             Sabi ng binata na siya’y hindi pa handa, sapagkat ayon sa kaniya “demanding” o mahirap at nakakapagod pangalagaan ang mga nobya. Maraming mga hinihingil ang mga babae sa mga lalaki na kanilang pinapakita’y mga dapat magbigay at magsuporta sa kanila. Ito ay katapat ng nosiyon na ang mga babae ang dapat nagsasakripisiyo at nagtatrabaho para sa kanilang asawa’t pamilya. Sila dapat ang nagbibigay buhay sa lipunan sa konteksto ng ating mga tahanan.

            Ngunit may sunod na sinabi ang dalaga sa binata:

“Gusto ko lang naman ng McDo fries, eh”

            Nagulat ulit yung binata sa sinabi ng dalaga. Siya’y biglang ngumiti at nagsalita ng “Talaga?” habang niraramdaman ang bulsa para makahanap ng pera. Halata na sa mga pangyayaring ito na ang pananaw sa mga babae ngayon ay sila’y “nabibili”, na sila’y parang mga produkto na kapag ika’y mayroon ng kanilang mga gustuhin (o may pera para mabili ang mga ito…) ay susunod sila sa iyo. Nawawalan ng dignidad ang kababaihan kapag ganito ang tingin at pagturi sa kanila.

            Sa pangkalahatan, masasabi nating hindi isinusulong ng patalastas na ito ang Feminismo sapagkat binibigyan nito ng masamang imahe ang mga babae kung saan sila’y dinidegrado sa paggamit nito ng mga negatibong ideya at isteryotipikong katangian ng mga babae sa kasalukuyang panahon. Ipinapakita sila bilang mga matreyalistikong tao na “mumurahin” lamang sapagkat sila’y “nabnibili” ng pera at kayamanan kahit na ang mga ito’y hindi naman laging totoo at maling pananaw sa mga babae.




Manolo Franco Romero
N2012

Arellano: Bayanihan (Gawad Kalinga)

Ang patalastas ay naganap sa isang rural na lugar kung saan may mga bukid at taniman. Makikita na ang konteksto ng patalastas ay nasa mahirap na kalagayan ang mga tao. Sa simula’y ipinakita ang mga magsasaka na nagtatrabaho sa bukid.  May nakita silang mga nagbubuhat ng mabigat na bagay kaya’t lumapit sila upang tumulong magbuhat. Sumunod naman na tumulong ang ilang mga lalaking naglalaro ng basketbol sa sariling gawang “court”. Pagkatapos nila, ipinakita ang mga labanderang naglalaba sa ilog. Lumapit din sila at tumulong. Unti-unting dumami ang mga tumutulong. Kasama na dito ang mga batang nang-aalok ng inumin, mga taong galing sa biyahe, isang sundalong nag-ayos pa ng tsinelas ng isang lalaki, at isang matandang naka-“wheelchair” pa. Sa bandang huli’y ipinakita na mga maliliit na bahay na pangmahihirap ang kanilang binubuhat. Hinulog nila ang mga ito sa isang bangin at nagsaya nang magtagumpay. Sa huli’y ipinakita ang mga salitang “Together, we can end poverty.”
Simple lamang ang sinasabi ng patalastas. Dapat ay magtulungan ang mga tao upang masugpuan ang problema ng kahirapan. Noong una’y akala ko na ang mga mahihirap lamang na trabahador ang magtutulungan. Nang panoorin ko muli ang patalastas, nakita ko ang ilang mahahalagang elemento o tao. Ang sinasabi ng patalastas ay lahat ng tao sa lipunan ay may papel sa paglutas ng kahirapan. Ang kabataan na nakita sa patalastas ang sumusimbolo sa lahat ng kabataan sa bansa. Mayroon tayong maipapamahaging tulong, kahit maliit lamang. Ang sundalo naman ay maaring simbolo ng gobyerno. Hindi lamang ang mga mamamayan ang tutulong kahit sila lang ang nahihirapan. Malaki pa rin ang maitutulong ng gobyerno. Kasama rin ang mga mayayaman o ang mga maykaya, na isinisimbolo ng mga taong may kotse o galing sa biyahe sa patalastas. Kasama pa nga ang mga may disabilidad sa maaaring tumulong. 

Ito ang nakikita ko sa patalastas gamit ang Marxistang pananaw. Magkakaisa ang lahat ng tao mula sa lahat ng antas ng lipunan upang masolusyonan ang problema ng kahirapan sa ating bansa. Ito ang tinutukoy ng salitang Bayanihan bilang pamagat ng patalastas. Unti-unting mawawala ang mga burgis at mga mahihirap at magiging isa lamang ang tawag sa lahat ng tao: kababayan. 


Raul Alberto B. Arellano III
N2012

Valdez- "Ang Huling El Bimbo"




“Ang Huling El Bimbo”- Eraserheads


         Ang kantang “Ang Huling El Bimbo” na pinakilala ng Eraserheads ay tungkol sa kuwento ng isang tao (ang persona) at ang kanyang mga damdamin para sa kababata niyang babae. Noong kinabataan nila, palaging nagpapaturo ang may persona sa kanyang kaibigan na babae na sumayaw tuwing katapusan ng eskewla. Sa kanilang pagsasayaw, lubusan na umusbong ang kanyang mga damdamin para sa kanya. Pagkatapos ng maraming taon, hindi nila nakita ang isa’t isa at nabalitaan niya na may nangyaring masama sa kanya.


      At sa mga linyang ito, dito natuluyan gumuho ang mundo ng persona at ang kanyang mga pangarap:


“Lahat ng pangarap ko’y bigla lang natunaw
Sa panaginip na lang pala kita maisasayaw.”


    Ang kanta ng Eraserheads na ito ay parehas nagpapaangat at kumokontra sa Feminismong pananaw.


“Ngunit ang paborito
Ay pagsayaw mo ng El Bimbo
Nakakaindak, nakakaaliw
Nakakatindig balahibo.”


      Sa bersong ito, masasabi natin na naghihikayat ito ng Feminismo dahil hinahangaan ng persona (lalaki) ang kagalingan ng babae na sumayaw. Higit pa rito, makikita rin natin na pantay ang pagtignin ng lalaki sa babae dahil sa kahangaan niya rito.
        Subalit, may mga linya mula sa kanta na kumukontra sa Feminismo.


“Lumipas ang maraming taon
‘Di na tayo nagkita
Balita ko’y may anak ka na
Ngunit walang asawa
Tagahugas ka raw
Ng pinggan sa may Ermita
At isang gabi’y nasagasaan
Sa isang madilim na eskinita, hah.”


      Sa mga linyang ito, masasabi natin sa konteksto ng babae rito na sila ay mababang uri kumpara sa lalaki. Ipinapakita na mababa ang kalidad ng pamumuhay at hanapbuhay ng babae na parang tagahugas lang sila ng pinggan. Bukod pa roon, masasabi rin natin na ang ibig sabihin ng nasagasaan sa linyang “At isang gabi’y nasagasaan” ay ginahasa o pinagsamantalan siya dahil wala namang mabilis na kotse sa isang eskinita. Ang ibig sabihin nito ay ang babae ay para lang sa pang-sekswal na kaligayahan at ninanakaw lang ang pagkababae nila.  


Pio Valdez
N2012

Lugue: Ligaya


Sa aking palagay, ang kanta ay sumusuporta sa feminismo dahil nagpapahiwatig ito ng halaga sa persona ng kanyang sinta. Marami pong nagpapatunay sa pagpapahalaga ng persona ng kanyang kausap.

Ang umawit at lumikha  ng “Ligaya” ay si Ely Buendia, ang lalaking bokalista ng Eraserheads. Maaring si Ely Buendia mismo ang persona sa kantang ito.  Maraming beses ipinapahayag ng persona na ang kanyang sinta ay nagbibigay ng kaligayahan sa kanya, tulad sa linyang “aking sinta'y walang humpay, na ligaya”. Maaring sabihin rin na babae ang kausap ng persona dahil karaniwang ang sinta ng isang lalaki ay babae.

Sa umpisa ng kanta, maraming beses tinatawag ng persona ang kanyang sinta bilang kanyang “giliw”. Itinuturing ng persona sa choros na ang kanyang sinta ay nagbibigay sa kanya ng walang humpay na ligaya. Makikita rin sa kanta ang halaga sinta sa persona sa huling bahagi ng kanta, lalung-lalo nang ipinangako niya na mamahalin niya ang babae “sa tanghali, sa gabi, at umaga”. Naniniwala rin ang persona na makakabuhay siya nang maligaya kasama ang kanyang sinta sa linyang, “Lahat tayo'y mabubuhay na tahimika'at buong Ligaya.” Maraming beses pang unuulit ang choros ng kanta, kung saan ipinapapahayag ang pagmamahal ng persona sa kanyang sinta.

Pinapangako pa ng persona na gagawin niya ang lahat para sa kanyang sinta, pati ang tesis niya. Ang tesis ay isang napakahabang dokumento na ginagawa ng mga estudyante sa kolehiyo na maaring humigit ng 100 pahina. Malaking trabaho ang isang thesis.  Kaya, ang lakas mangako ang persona!

Dahil sa mga patunay na ito, masasabi na ang pagbibigay-puri ng persona sa kanyang sinta ay tunay na nagsusuporta sa mga ideya ng feminismo, kung saan binibigay halaga ang isang babae.

Lorenzo Angelo D. Lugue
N2012

Marcelo: Tindahan ni Aling Nena


     Sa kantang “Tindahan ni Aling Nena” ng Eraserheads, maririnig ang trahedyang kinasangkutan ng may-akda sa paghabol sa nag-iisang anak na babae ni Aling Nena. Ito’y nagsimula nang inutusan ng ina ng may-akda na siya’y tumungo sa tindahan upang bumili ng suka. Tumigil ang mundo ng tagapagsalaysay nang makita niya ang dalagang nakadungaw sa bintana, na pinakilala ni Aling Nena bilang kanyang anak. Nabitawan niya ang suka at sa kanyang pag-uwi’y pinagalitan siya ng kanyang ina, ngunit sa loob niya’y masaya siya dahil napatawa niya ang anak ni Aling Nena at nahanap na raw niya ang tunay niyang mahal. Bumalik ang may-akda kinabukasan upang magmakaawa kay Aling Nena na siya’y ipakilala, at nang una’y ayaw na niyang umasa ang may-akda, sa dulo’y pumayag siya sa isang kasunduan: ang may-akda ay dapat bumili sa tindahan niya araw-araw. Nakuha ng tagapagsalaysay ang kanyang hiling na makilala ang anak na babae ni Aling Nena, ngunit nagtapos ang kanta sa pag-alis lamang nito at pagkaubos ng pera ng may-akda.


     “Pero oks lang, ako ay in-lab nang tunay.”


     Sa bahaging ito ng kanta, mapapansing matapos ang lahat ng masamang nangyari sa may-akda, mula sa pagbitaw sa suka hanggang sa pagpapagalit sa kanya ng kanyang ina, siya’y masaya pa rin sapagkat sinasabi niyang nahanap na niya ang tunay na minamahal. Ngunit, ano nga ba ang tunay na pagmamahal na sinasabi ng may-akda? Unang beses pa lamang niya nakita ang dalaga, at hindi pa sila nag-uusap. Makikitang hinusgahan ng may-akda ang babae base lamang sa pisikal na anyo nito, at walang iba pang aspeto. Napawalang-bisa nito ang Feminismo dahil ang babae ay hinusga base lamang sa kanyang itsura, at hindi ang kanyang katalinuhan at mga kakayahan bilang isang tao.


     “Payag daw siya kung araw-araw ay meron akong binibili sa tinda niya.”


    Nabanggit ng may-akda na ang nais niya sa tindahan ni Aling Nena ay hindi nabibili. Ngunit, sa bandang pangalawang korus, mapapansing sa pagmamakaawa ng may-akdang makilala ang anak na babae ni Aling Nena, ang ina mismo ang nakipagsundong ipakilala ang kanyang anak kung ang may-akda’y bibili sa kanyang paninda araw-araw.


    Sa eksenang ito, napawalang-bisa ang layunin ng Feminismo. Sa puntong ito, mapapansing hindi na ang mga paninda ni Aling Nena ang binibili ng may-akda dahil ang mga ito’y panakip-butas lamang sa tunay niyang layuning makilala ang anak ni Aline Nena. Napaliit na lamang sa isang paninda ang anak na babae ni Aline Nena dahil ang tila binibili ng lalaking may-akda ay ang pagkakataong makausap siya, at ang kanyang mga binibili upang magawa ito ay halos mga karagdagang benepisyo na lamang. Nakalulungkot isipin na kahit ang sariling ina ng babae ay pinagkakakitaan ang kanyang kagandahan sapagkat ginagamit ni Aling Nena ang pisikal na anyo ng isang babae, sa kasong ito, ang kanyang anak na babae, upang dumami ang perang makukuha. Mas napaliit pa ang kababaihan sapagkat hindi man lamang pinagsalita o hiningi ang opinyon ng anak ni Aling Nena ukol sa kasunduan ng may-akda at ni Aling Nena.


Ralph Emmanuel S. Marcelo
N2012

Andres: Upuan


"Kayo po na naka upo, 
Subukan nyo namang tumayo, 
At baka matanaw, at baka matanaw na nyo
Ang tunay na kalagayan ko"

Pinaguusapan ng Upuan ang dibisyon ng mga mahihirap sa mga mayayaman. Isang tema na inuulit dito ay ang upuan, kung saan sinisimbulo nito kung saan nakapuwesto ang mga mayayaman, nakaupo at tinititig ang mga mahihirap sa ibaba nila. Makikita sa bidyo na habang nakaupo ang dalawang matanda (na halatang mayaman dahil sa kanilang mga damit at ikinakain) ay ipinagsisilbi ng mga kitang-kitang  mahirap na mga tao (na halata naman din sa damit nila na gusgusin).

Malaking bahay, malawak na bakuran, mahahaling sasakyan at nakabarong nang wala namang kasal. Ilan lamang ito sa mga imaheng ginamit upang mailarawan ang mga "nakaupo."

"Ang tao na nagmamay-ari ng isang upuan
Na pag may pagkakatao'y pinag-aagawan
Kaya naman hindi niya pinakakawalan"

Ang mga "nakaupo" ay inilalarawan bilang mga taong nasa taas ng lipunan at dahil sa posisyong iyon, ay ayaw ng gumalaw pa para sa iba at nakukuntentong manatiling nakaupo at ititig ang mga taong hindi nakaupo tulad nila. Halata sa imaheng ipinapalabas sa bidyo na malapad ang pagkahati at dibisyon ng dalawang aspeto ng lipunan. Kita ito sa pananamit nila, sa kinakain nila at sa kilos nila. May ekspresyon ang mga nakaupo na tila mayabang pangingiti, isang ngiting nanggagaling sa tuwa nang pagiging mas nakatataas sa mga tao. Natutuwa sila sa kanilang puwesto sa taas at hindi nila naiisip ang mga pagaaksaya na ginawaga nila basta't para lamang sa kanilang katuwaan.

Bumalik tayo sa koro ng kanta at basahin ang linyang "Subukan nyo namang tumayo at baka matanaw, at baka matanaw na nyo ang tunay na kalagayan ko." Nais maipahayag ng akda sa linyang ito na oo nga't mayaman ka na at masarap nga ang buhay mo diyan na nakaupo ngunit huwag mong kalimutan ang taong nasa paligid mo, na nagdudusa't naghihirap sa paa ng upuan.

Hindi sinasabi ng kanta na masama maging mayaman. Sa lipunan ito, tiyak talaga na may aangat at may maiiwan sa ibaba. Ang hiling lamang ng kantang ito, ang mensahe na gusto lang niya maipahayag, ay oo nga't "nakatagumpay" ka na ngunit kailangang mong alalahanin ang mga taong nasa paligid, ang mga taong "pantakal ng bigas ay di puno, ang ding-ding ng bahay ay pinagtagpi-tagping yero, na di kayang bumili na yelo pang inumin at ang tubig ay pinakulong sa lumang uling-uling."

Roberto Alphonso R. Andres
N2012

Dizon: Mcdo Night Out

   Sa patalastas ng Mcdo na “Night Out” makikita ang dalawang babaeng kumakain ng “sundae” malapit sa Mcdo. Pinakita rin dito ang bawas presyo sa mga “sundae” na naghahalaga na lamang ng dalawampu’t limang piso. Sayang saya na ang mga babae rito habang nagkikipag-usap sa isa’t isa tungkol sa isang lalaki. Pagkatapos nilang kainin ang kanilang “sundae” kumuha ng bariya ang dalawang babaeng at umalis para bumili ulit ng “sundae”. Dumaan sila sa “drive thru” at nakita nila ang isang gwapong lalaki na siyang nagtratrabaho sa Mcdo. Sobrang bagal nilang bilangin ang kanilang barya para bumili ng “sundae” rito. Ginawa nila ito upang makasalimuha lamang ang magandang lalaki na nagtratrabaho sa Mcdo.

   Maraming pinakitang imahe ng babae rito sa patalastas na ito. Unang imaheng pinakita ay sa mga maliliit lang na bagay masaya na ang babae katulad ng mababang presyo ng sundae. Pinapakita rito na madaling pasayahin ang mga babae sapagka’t masaya na sila na makakita ng isang gwapong lalaki. Gigil na gigil na sila sa makakita ng isang gwapong lalaki. Pinapababa ng patalastas na ito ang pagtingin sa mga babae bilang mga taong hindi makatingin lampas sa itsura ng iba. Tunggali ito sa feminismo sapagkat tinatangal ng feminismo ang mga ganitong pagtingin sa mga babae bilang mga taong mababa ang pag-iisip. Wala na ibang iniisip kundi mga gwapong lalaki at mga maliit na bagay na makapagsasaya sa kanila.

Tinatangal ng feminismo ang ganitong isteryotipikong pagtingin sa mga babae bilang mga mababang uri ng tao ang mga ito. Sinasabi rin ng feminismo na kayang gawin ng babae ang mga ginagawa ng lalaki ang mga ginagawa sa lipunan hindi dahil sa kanilang kasarian kundi tao rin sila. Kaya nga hindi tugma ang patalastas na ito sa mga isinsulong na ideya ng feminismo. Sa mata ng isang feminista hindi maganda ang patalastas na ito sapagkat pinakita ang mga isteryotype ng mga babae na tinutuligsa ng feminismo.



Enrico Miguel S. Dizon 
N2012
  

Banzon: OverDrive

“Alam mo mayron akong pangarap sa buhay sana matupad na” 

 Ito ang unang mga salita na sinabi ni Ely Buendia sa kanta ng kanyang banda na Eraserheads. Masasabi natin na totoo ang sinasabi niya na marami siyang mga pangarap sa kanyang buhay at sana matupad na ang mga ito, sa bagay, may tao bang walang pangarap sa buhay o kaya’t may pangarap na ayaw niyang matupad? 

 “Magda-drive ako hanggang…” 

 Ang linya naman na ito ay parang naglalagay diin sa unang linya ng kanta, maihahambing natin ang linya na ito sa pagkakaroon ng mga pangarap. Sa kanta maririnig natin na paulit-ulit ang linyang ito. Ngunit hindi pa nagtatagal ang kanta biglaang lalabas ang mga linyang nagsasabi na hindi marunong magdrive ang kumakanta, at wala siyang kotse at lisyensya. Sa kantang ito, makikita natin kung paano ang buhay ng mga taong na nasa mababang uri o kaya’t mga taong hindi mayayaman o wala sa kapangyarihan, marami silang pangrap ngunit wala silang magawa para matupad ang mga ito dahil hindi wala silang pera o kaya’t wala silang opurtunidad para matupad ang mga pangrap nila.

 “Pare ‘di na magstart yan, buti pa kain nalang tayo…” 

 Sa kaduduluhan ng kanta, maririnig natin ang linyang ito, kung saan nagkaroon ng kotse ang persona ng kanta, ngunit hindi ito kaayaaya o maasahan, at sinabi ng kaibigan niya na mas mabuti pa na idaan nalang nila ang kanilang problema sa pagkain ng iba’t ibang pagkain at kalimutan nalang ang kanilang problema, dahil sa kanilang pananaw walang mangyayari kung sige lang sila ng sige.


Theodore Roland A. Banzon 
N2012

Berba: Magasin

Ang kantang “Magasin” ay isang  sa mga sikat na kanta ng Eraserheads. Kuwinekwento nito kung paano nakita ng persona (marahil lalaki) ang isang babae kakilala niya dati at kung ano naramdaman niya nang makita niya ito.

Simple lang itong kanta. Nakita niya ang isang magasin. Nakilala niya yung babae at naalala niya na ang mga nangyari dati. Napansin niya na bastos pala ang magasin at nagsisi dahil kulang ang pera niyang dala.

Hindi maitatangging maganda itong kanta ngunit may kaunting mga pumunto magandang sanang bigyang pansin.

Unang una, base sa kanta, makikitang pisikal ang tingin sa babae. Buong kanta ay nagbibigay pansin lamang sa pisikal na aspeto ng babaeng nasa magasain.



“Natulala ako sa iyong kagandahan.”

“Iba na ang iyong ngiti. Iba na ang iyong tungin. Iba na ang iyong lahat.” 

“Di’ ko inakala na sa sisikat ka… Medyo pangit ka pa noon…”


Buong kanta ay tungkol na lamang sa pisikal na aspeto ng babae at hindi na binigyang pansin ang mga ibang katangian ng babae tulad ng kaniyang ugali, talino o abilidad. Pinapalabas din na sumisikat lang ang isang babae dahil maganda siya o pwede rin sabihin na hindi sisikat ang isang babae kung hindi siya maganda.

Lalo pa itong makikita sa relasyon na namamagitan sa lalaki at babae. Masasabing “objectified” ang babae dito. Makikita ito sa mga linyang:


“Sana'y hindi nakita… Sana'y walang problema pagka't kulang ang dala kong perang pambili sa mukha mong maganda”

“Nakita kita sa isang magasin at sa sobrang gulat hindi ko napansin bastos pala ang pamagat dalidaliang binuklat at ako'y namulat sa hubad na katotohanan”

“At sana sa susunod na isyu ay centerfold ka na”


Dito sa kanta, hindi nainis ang lalaki dahil ang dati niyang kaibigan ay nasa malaswang magasin na. Nainis siya dahil hindi niya nabili ang magasing iyon. Ninais pa nga niya na ang magasing iyon at umaasa pa siyang dumami pa ang larawan ng babae, “centerfold” pa nga. Pinapakita na binibili ang babae at ang kanilang katawan.

Ito mismo ang kulturang na sinusubukang labanan ng feminismo (kung tama pagkakaintindi ko ng feminismo -__- ) dahil nilalagay ang mga babae sa isang kultura kung saan ang halaga nila ay nasa kanilang katawan. Hindi naman kailangan maging maganda para sumikat. May mga babaeng sumisikat, hindi dahil maganda sila, pero dahil matalino o magaling sa kanilang mga gawain at hindi dapat “binibili” ang babae tulad ng nakikita sa kantang ito.

Hindi dapat tinitingnan ang babae dahil ang halaga nila ay lumalampas pa sa kanilang katawan o kung ano ang nakikita ng tao. Ang halaga nila ay nagmumula sa kanilang ginagawa at kung paano nila ginagawa. Nagmumula sa mga kabutihang ginagwa at nagagawa nila.  Dapat talaga ay patuloy nating nirerespto ang mga babae… Eraserheads talaga o. Tsk. Tsk...


Jose Daniel P. Berba
N2012